
004. Drawback
- Armand De Guzman
- Jan 4
- 1 min read
Nakahiga, nakatalukbong, nilalamig
Sa dilim, pangamba’t takot ang nananaig
Tuwing kailan ba dapat tumindig
Upang hindi pulutin sa sahig?
Kumurot ng ilang segundo sa iyong buhay
Laanan ang inumpisahang bagay
Paglagablabin ang liwanag na gabay
Tanglawan ang napapanglaw na tatay.
Sa aking paggising ay malinawag na kaya?
O baka nakabantay pa rin ang itim na diwata?
Ayokong sumilip, mas mabuting walang makita
Ipipikit muli yaring mata, at magdarasal kay Bathala.
Nagpumilit lang ako magsulat ng kahit ano, sapagkat walang paksa akong maisip para sa entry ko ngayon. Kasalukuyan akong nakahiga, katabi ang akong anak na akin namang kinumutan. Kaya ko naisipan ang mga katagang nakasulat sa itaas.
Nagsusulat ako ng mga tula noon pa man. Ang iba ay para lamang makapag-ambag sa blog ko noon. Minsan walang kwenta ang mga isinusulat ko, basta lamang magkaroon ng tugma. Ang iba naman ay mga personal na nangyari sa akin. Sa wikang Filipino pa rin ang napili ko, sablay ako sa ingles. Hindi na ako magkukunwari pa. English carabao ang kategorya ko sa universal language. Pagpasensyahan niyo na ako.
Kung sa mga susunod ay makakabasa ka ng mga tula lamang, ay dahil sa para sa akin, ito ang mas mabilis na paraan ko para makapagsulat. Sa pagsusulat ko nailalabas ang iba kong emosyon. Sa ganitong paraan ko din maibabahagi ang ilang larawan ng aking buhay.
-A-
Comments