
002. Challenges
- Armand De Guzman
- Jan 2
- 2 min read
Ok.
Tatalakayin ko muna ang mga bagay na challenging para sa aking pagsusulat.
Una, oras. Ngayong mas naging busy ako sa araw-araw, bilang tagapag-alaga at bantay ng anak ko, tagahatid sa eskwelahan at therapy, ako din ay tumatayong driver minsan ng aking asawa, tagapagluto, tagabili, tagapaglaba, at kung anu-ano pang gawain sa aming maliit na tirahan.
Pero, pwede ko naman gawing routine ang paggawa ng mga bagay na ito, di ba? Dun nagiging challenging ang lahat. Magawan ko man ng schedule sa kada gagawin ko, may mga bagay na biglang ipapagawa o iuutos sa akin, na kailangan din matugunan agad. Kaya ang mangyayari, masisira ang galaw ko. Mawawala na ako sa momentum. At madalas, ito ang nakakapagpapagod sa aking isip at katawan. Kaya iuupo ko ito para makapagpahinga, habang tumatakbo ang oras, na hindi ko na nagawa ang mga gusto ko pang gawin.
Pangalawa, kung tutusin pangalawa pala yung nabanggit kong mga ‘biglaan’ na gawain. Related lang din kasi sa oras kaya naikwento ko na.
Pangatlo yung pisikal at isipan ko. Magkatambal ito kasi hindi ko magagawa ang isang bagay kung pagod yung isa. Kapag ipinahinga ko yung isip ko, mas maigi na ipahinga ko din ang katawan ko. Kwarenta’y-uno na ako, napapagod na din ako. May mga hindi na din ako matagalan kahit na sa isipan ko, gusto ko pang gumalaw. Ganyan ang koordinasyon ng katawan at isip ko.
Pang-apat, related din sa pangatlo, marami akong naiisip. Lumilipad ang isip ko. At sa dami ng naiisip kong yun, hindi ko magawang maisulat agad-agad. Oo, hawak ko nga ang cellphone pero di ko magawa magsulat. Bukod kasi sa nahihirapan akong magtype sa cellphone, gusto ko din bumitaw sa mga gadget na, kung maaari. Ginagawa ko ito bilang isang modelo para sa anak ko. Ayaw ko ipakita na lagi akong nakahawak at nakatingin sa cellphone (pero oo, madalas talaga hindi naiiwasan pero hangga’t kaya ko, hindi ko ito hinahawakan kapag nandyan sya sa tabi ko).
(Isang oras ang nawala bago ko uli itinuloy ang parteng ito dahil naghanda ako ng tanghalian.)
May mga ilan pa din akong hindi naisusulat sapagkat lumipad na sa isip ko. Ganito ata kapag tumatanda, talagang makakalimutan na ang ilang bagay. Hindi bale, isusulat ko na lang sa ibang pagkakataon.
-A-
Comments